Nagsagawa ng ehersisyo sa bisinidad ng Cabra island sa Mindoro ang pinakabagong missile frigate ng Philippine Navy, ang BRP Antonio Luna (FF151) kasama ang tatlong barkong pandigma ng Royal Australian Navy (RAN).
Ang mga barko ng RAN na Her Majesty’s Australian Ships (HMAS) Canberra III, Anzac, at Sirius ay nasa bansa para sa Indo-Pacific Endeavour 2021 (IPE21).
Ang IPE21 ay taunang naval exercise ng RAN sa rehiyon na layong mapalakas ang kanilang “partnership” sa mga bansa sa Timog Silangang Asya.
Ang Pilipinas ang “last stop” ng IPE21 para sa buwan ng Setyembre, mananatili hanggang bukas Sept. 29 ang tatlong barko ng Royal Australian Navy.
Bahagi ng ehersisyo ang pagsasanay ng Phil. Navy at RAN sa mga aktibidad sa karagatan, at mga seminar at workshop na may kinalaman sa maritime security, kababaihan, kapayapaan at seguridad, at humanitarian assistance.
Si Phil. Navy Capt. Constancio Reyes ang nagsilbing deputy commander ng IPE21 Task group, na inalalayan ni Lt. Chester Ian Ramos at Ens. Stacy Kaye Villanueva.
Nasa 700 indibidwal ang kalahok sa IPE2021 kabilang ang mga miyembro ng Australian Defence Force, civilian defense personnel at partner nations.