-- Advertisements --

Opisyal nang binago ng Philippine Navy ang Naval Forces West at nire-organisa bilang Western Naval Command upang magpokus sa mga security concern sa West Philippine Sea (WPS).

Sa ilalim ng bago nitong istruktura, naatasan ang Western Naval Command na palakasin ang mga maritime security operations nito sa western seaboard ng Pilipinas sa tulong ng mga karagdagang personnel.

Maliban sa malaking bahagi ng WPS at territorial sea ng Pilipinas sa western seaboard, saklaw din ng hurisdiksyon ng naturang command ay ang mga maritime area na nakapalibot sa Pag-sa Islands at Ayungin Shoal.

Kasama dito ang BRP Sierra Madre, ang barkong pandigma na isinadsad sa Ayungin upang magsilbi bilang military post.

Bilang pangunahing naval command na may hurisdiksyon sa WPS, pangungunahan nito ang mga serye ng maritime patrol operations at tiyaking mabantayan ang karagatan, bahura, at iba pang maritime feature na nasa ilalim ng teritoryo ng bansa.

Sa naging mensahe ni Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta kasabay ng opisyal na seremonya, binigyang-diin nito ang pangangailangang mapalawak pa ang saklaw at mandato ng navy, salig sa itinatakda ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept.

Hinimok naman ni Western Naval Command Commander Commodore Vincent Sibala ang mga personnel nito na maging matatag sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin.