Masinsinang pag-aaralan ng Philippine National Police ang muling pagbabalik ng Oplan Tokhang sa Pilipinas.
Kasunod ito ng ilang suhestiyon ng isang mambabatas na layuning mas paigtingin pa ang kampanya ng pulisya kontra ilegal na droga matapos ang umano’y muling paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, kabilang ang usaping ito sa mga posibleng talakayin ng pamunuan ng pambansang pulisya sa susunod nilang pagpupulong.
Paliwanag niya, pag-aaralan pa kasi aniya ng mga kinauukulan ang mga magaganda at best practices ng campaign against illegal drugs ng nakalipas na administrasyon atska nila titignan kung makabubuti pa ang mulang pagbabalik dito.
Sa naturang pahayag ay inamin din ni Fajardo na talagang naging generally effective ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang sa nakalipas na mga taon.
Ngunit nilinaw niya na magkakaroon na ng safety measures sakaling muling ipatupad ito ng pulisya upang maiwasan na magkaroon ito ng lapses at pag-aabuso ng ilang police personnel.
“Pag-aaralan natin yung suhestiyon ng ating kagalang-galang na senador. On the part of the PNP lagi naman natin sinasabi na yung mga previous operational strategies and thrust natin relating sa campaign against illegal drugs ay periodically nirereview natin yan at inaassess yung mga magaganda at best practices nung mga previous na taon ay pupuwede naman natin iadopt dahil nakita natin na effective naman in general yung Oplan Tokhang, house visitation kasi doon sa mga ganung pagkakataon ay nakakausap natin yung mga pamilya nung mga drug users at maraming sumurrender during the conduct of Oplan Tokhang, mga naka avail ng mga recovery and wellness program na initiate ng PNP. So yung question whether irerevive ito ng PNP, I am sure ang pamunuan ng PNP ay pag-aaralan ito kung sa tingin naman natin eto naman ay mas makakabuti pero this time around ay kailangan natin maglagay ng mga safety measures para maiwasan yung mga take note mga lapses and some abuses committed by some personnel relating doon sa conduct ng Oplan Tokhang.” ani Fajardo.