-- Advertisements --

Ipinag-utos ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na gawing boluntaryo ang pagbabayad ng premiums ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa harap na rin ng matinding reklamo ng mga OFWs sa mandatory payment ng kanilang premiums kung saan itinaas ito sa 3 porsyento ng kanilang buwanang sahod alinsunod sa Universal Health Care Law.

Sa press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na sapilitan ang pagbabayad ng PhilHealth premiums ng mga OFWs.

Ayon kay Sec. Roque, kasunod na rin ito ng anunsyo ni Health Sec. Francisco Duque III na sinususpinde niya ang Item 10 2 (c) ng implementing rules and regulations ng universal health care na nag papataw na mas mataas na kontributsyon habang may problema sa COVID-19.

“Una sa lahat, ipinapaalam po namin sa inyo na nagissue ng direktiba ang Presidente sa PhilHealth para gawing boluntaryo po ang pagbabayad ng mga OFWs ng PhilHealth premiums,” ani Sec. Roque.