Tatayo bilang officer-in-charge (OIC) ng Philhealth ang Executive Vice President at Chief Operating Officer nito na si John Basa.

Kinumpirma ito ni Health Sec. Francisco Duque III nitong araw matapos sabihin na hindi pa tinatanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang courtesy resignation ng ilang opisyal at board member ng PhilHealth dahil sa kontrobersiyal na ghost kidney treatments.

Pero dahil nasa abroad pa si Basa, sinabi ni Duque na pansamantalang si Dennis Mas, senior vice president ng Management Services Sector ng PhilHealth, ang tatayong OIC.

Sinabi ni Duque na OIC lang muna si Basa kapag makabalik na ito ng bansa kasi ang utos daw sa kanya ni Pangulong Duterte ay ibigay ito sa susunod na ranggo sa chief operating officer.

Nauna nang napaulat na balak ni Pangulong Duterte na italaga bilang susunod na presidente ng PhilHealth ang isang nagngangalan na Dr. Jaime Cruz.

Pero hindi pa tinatanggap ni Cruz ang alok na ito ng Punong Ehekutibo.