-- Advertisements --

Nananawagan sa pamahalaan ang ilang grupo na tugunan muna ang mga cybersecurity risks sa Konektadong Pinoy Bill, na kasalukuyang naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maging batas.

Sa joint statement na inilabas ng Scam Watch Philippines, Womens in Security Alliance, BPO Security Council, PhilDev at Philippines CIO Association, nakasaad na bagama’t sinusuportahan nila ang layunin ng panukala na palawakin ang internet access at palakasin ang digital infrastructure ng bansa, ibinabala naman nila na may mga probisyon sa panukala na maaaring magbukas sa Pilipinas sa mas malalaking cyber threats.

Kabilang sa tinukoy nilang pangunahin sa mga isyu ay ang tatlong taong grace period na ibibigay sa new internet service providers para makapag-operate kahit hindi pa sumusunod sa mga umiiral na cybersecurity at data privacy standards.

Binibigyang-diin din ng grupo ang panganib ng foreign-controlled companies na maaaring pumasok sa critical infrastructure projects tulad ng cable landing stations at satellite gateways nang walang mandatory national security at cybersecurity vetting.

Kaya’t hinihikayat nila ang pamahalaan na itama ang mga kakulangan sa naturang bill bago ito tuluyang maisabatas, sa pamamagitan ng pag veto na may kalakip na rekomendasyon, amendments, o executive action.

Giit ng mga eksperto, hindi sapat ang IRR para punan ang mga gap sa panukala.

Kailangan daw ng malinaw at legal na safeguards para matiyak na habang pinalalawak ang digital access, ay hindi isinusugal ang national security at data protection ng bawat Pilipino.

Una ng inihayag ni Palace Press Officer Claire Castro, na wala pa sa tanggapan ng Pangulo ang enrolled bill ang Konektadong Pinoy bill.

Ayon kay Castro na hintayin na lamang ang anumang development kaugnay sa nasabing enrolled bill.

Concern din ng mga kinauukulan ang pagbibigay ng tatlong taong palugit para sa mga bagong Internet Service Providers upang makapagsimula ng operasyon kahit hindi pa ganap na sumusunod sa mga regulasyon sa cybersecurity at data privacy.