
Hindi umano patitinag ang Phil. Coast Guard (PCG) sa ginawang pambu-bully ng Chinese ship.
Ito’y kasunod sa ginawang “close distance maneuvering” ng Chinese Coast Guard vessels sa may Bajo de Masinloc habang nagsasagawa ng maritime patrol ang BRP Malabrigo (MRRV-4402) ng Phil. Coast Guard (PCG).
Naganap ang insidente noong March 2, 2022.
Ang nasabing insidente ay napakadelikado raw sa posibilidad na magbanggaan ang dalawang barko na maaring pagmulan ng aksidente sa karagatan.
Ayon kay PCG commandant, Coast Guard Admiral Artemio Abu, hindi ito ang unang insidente na ginawa ng China Coast Guard, bagkus pang apat na insidente ito sa loob ng karagatan na sakop ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Admiral Abu, na monitor ng mga Coast Guard personnel ang China Coast Guard vessel na may bow number 3305 na nagsagawa ng close distance maneuvering approximately 21 yards mula BRP Malabrigo (MRRV-4402).
Paliwanag ni Admiral Abu ang ginawa ng Chinese Coast Guard ay pinipigilan nito ang maneuvering space ng BRP Malabrigo na malinaw na paglabag sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS).
Ang unang insidente ay naganap noong May 19, 2021 habang nagpapatrulya ang barko ng BFAR na minamandohan ng PCG personnel.
Ang pangalawa at pangatlong insidente ay kinasangkutan ng dalawang Chinese Coast Guard vessels na nagsagawa din ng closed distance maneuvering sa BRP Capones (MRRV-4404) at BRP Sindangan (MRRV-4407) habang nagsasagawa ang PCG’s ng maritime capability enhancement exercises sa Bajo de Masinloc noong June 1 at June 2, 2021.
Ayon kay Admiral Abu, dahil sa insidente, nakipag-ugnayan na ang PCG sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at the Department of Foreign Affairs (DFA) para tugunan ang isyu sa pamamagitan ng rules-based and peaceful approaches.
Aminado naman si Admiral Abu na batid ng PCG ang mapanganib na sitwasyon sa karagatan, subalit hindi ito magiging hadlang sa pag-deploy ng kanilang mga barko sa Bajo de Masinloc, Philippine Rise, at sa iba pang bahagi ng bansa na exclusive economic zones (EEZ).
Pagtiyak ng opisyal, patuloy silang magtatrabaho lalo at kanilang binabantayan ang mga Pilipinong mangingisda habang nangingisda sa karagatan.
Samantala, inatasan naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang PCG na ipagpatuloy ang misyon nito at tiyakin ang pag-promote sa safety of life and property at ipatupad ang batas habang nasa karagatan ng Pilipinas.
















