Binigyang linaw ng Kataas-taasang Hukuman na hindi pa nito tuluyan nireresolba ang kabuuan petisyon inihain ni Sen. Bato Dela Rosa.
Ayon sa pahayag ng Korte Suprema mula sa opisina ng tagapagsalita, ang inisyung bagong desisyon ay ang patungkol pa lamang sa kahilingan ‘interim relief’ ng mambabatas.
Ang mosyon o ‘pleadings’ sa pangunahing mga isyu na idinulog ni Sen. Bato sa hukuman ay kasalukuyang nakabinbin at reresolbahin pa ng korte.
Magugunitang sa botong 9-5-1, ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ng senador na Temporary Restraining Order o Status Quo Ante Order.
Hiling para himukin ang hukuman pigilan ang mga ahensya ng pamahalaan na ipatupad ang inilabas na ‘arrest warrant’ ng International Criminal Court laban kay Sen. Dela Rosa.
Kinuwestyon kasi ng kanilang kampo ang legalidad ng naturang warrant kung itutuloy ang implementasyon nito para arestuhin o dalhin ang mambabatas palabas sa teritoryo ng bansa.
Subalit sa kabila nito’y hindi pinaburan ng mahistrado ang hiling na TRO ng senador sa naganap na ‘Special En Banc Session’ kahapon ng Korte Suprema.
Habang ang kampo naman ng Senador ay nagpahayag ng pagkilala at paggalang sa naturang desiston ng hukuman sa kahilingan.
Gayunpaman aminado si Atty. Jimmy Bondoc, isa sa mga abogado ng mambabatas na ang paghiling sa Korte Suprema ay walang kasiguraduhan o 50/50 na papaburan.
Pagtitiyak ng kanilang kampo na gagawin ang lahat ng maarin pang remedyo para sa panig ng mambabatas.
Posible anila silang maghain ng mosyon upang iparekunsidera ang pagbasura sa kahilingan ‘interim relief’.
















