-- Advertisements --

LAOAG CITY – Iginiit ni Father Arvin Mangrubang ng National Priest Organization Regional Governor/Saluadan Convenor na dapat magpakita at sagutin ng makatao ni Vice president Sara Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sinabi ni Mangrubang na hindi makakarating sa senado ang impeachment case ng bise presidente kung walang matibay na ebidensya kaya mas mainam kung harapin na lamang ito ni Duterte.

Iginiit pa ni Mangrubang na itigil ng pangalawang pangulo ang patuloy na paglilihis sa mga isyu kung saan sagutin na lamang ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya.

Ipinaalala pa ng pari na hindi lamang simpleng pamumulitika ang mga naisampang impeachment complaints laban sa ikalawang pangulo.

Hinggil dito, may panawagan naman ang pari sa mga senator-judges na maging seryoso sa impeachment trial laban kay Vice President Duterte para maibalik ang unti-unti nang nawawalang dignidad ng senado.

Dagdag niya na dahil sa mga tinawag niyang mala-dramang scenario sa senado ay un-unti nang nawawala ang dignidad ng mataas na kapulungan ng kongreso.

Inihayag pa ni Father Mangrubang na mas magiging magulo lamang ang Pilipinas kung hindi magseryoso ang senado bilang impeachment court sa kaso ni Duterte.