-- Advertisements --

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang pamunuan Philippine Army kaugnay sa nangyaring aksidente sa Uson, Masbate na ikinasawi ng walong sundalo habang anim ang sugatan kung saan isa ang nasa kritikal na kondisyon na kasalukuyang ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.

Kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial Hospital ang limang iba na mga sugatang sundalo.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad nais mabatid ni Army Commanding General Lt.Gen. Romeo Brawner ang dahilan ng aksidente kaya ipinag-utos nito ang isang malalimang imbestigasyon.

Sinabi ni Trinidad layon ng imbestigasyon ay para malaman kung ano ang dahilan at kung bakit nangyari ang aksidente.

Binigyang-diin ni Col. Trinidad na maraming mga factors ang kanilang kinukunsidera hinggil sa nasabing aksidente gaya ng kondisyon ng sasakyan at driver, ang lugar at maging ang supplier ng mga gulong at bakit ito sumabog.

Pinatitiyak naman ni Lt.Gen. Brawner na hindi na maulit ang ganitong mga aksidente.

Ikinalungkot naman ni Brawner ang nangyari at nagpa-abot ito ng kaniyang pakikiramay sa mga kaanak ng mga nasawing sundalo.

Sa panig naman ng pamunuan ng AFP, pinatitiyak ni AFP Chief of Staff Lt.Gen. Bartolome Baccaro na mabigyan ng karampatang suporta ang mga pamilya ng mga nasawing sundalo at maging sa anim na iba pa na nasugatan.