Lalo pang lumaki ang tyansa ng Pilipinas na makapasok sa semis sa women football sa nagpapatuloy na elimination sa Southeast Asian Games 2025.
Tinalo kasi ng Philippine Women’s National Football Team (Filipinas) ang defending SEA Games champion Vietnam, 1-0 sa naging sagupaan ng dalawa sa Chonburi Daikin Stadium sa Thailand.
Ipinoste ni Mallie Ramirez ang winning goal sa kalagitnaan ng laban. Si Ramirez din ang nakapagpasok ng isang goal noong talunin ng Myanmar ang Filipinas nitong araw ng Biyernes, Dec. 5.
Sa ngayon, hawak ng Filipinas ang 1-1 record at nakatakdang harapin ang Team Malaysia sa Disyembre-11, sa ilalim ng Group D.
Sa naturang laban, kailangan itong maipanalo ng Team Philippines upang masigurong aakyat sa susunod na elimination round.
Tanging ang mga top-2 country sa bawat grupo ang makakapasok sa susunod na round, batay sa panuntunan ng SEAG.
Nangunguna sa naturang grupo ang Team Myanmar na mayroong 2-0 win-loss record.










