-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ng tatlong antas ang Pilipinas sa pinakahuling ranking ng Global Innovation Index (GII) 2023 kung saan nasa ika-56 sa overall rankings.

Sa nakalipas na limang taon, ang bansa ay itinuturing na isang outperformer, na lumalampas sa mga inaasahan sa pagbabago na may kaugnayan sa antas ng pag-unlad ng ekonomiya nito sa iba pang mga bansa.

Ang Pilipinas ay naging bahagi rin ng Top 10 climbers of the decade (2013-2023).

Sa pinakahuling ranking, maganda ang performance ng Pilipinas sa Business sophistication na nasa ika-38, Knowledge and Technology outputs nasa ika-46th, at Market Sophistication nasa ika-55th.

Gayunpaman, kailangang magkaroon ng higit pang mga interbensyon upang isulong ang ating Human capital at Research na nasa ika-88, Infrastructure nasa ika-86, at Mga Institusyon nasa ika-79.

Ayon kay Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, dapat maging pare-pareho ang layunin na magmaneho ng pagbabago sa lahat ng industriya habang pinabilis ng mundo ang pagbabago.

Giit pa ni Pascual, dapat manatiling nakatuon ang gobyerno sa layunin na hubugin ang kinabukasan ng bansa upang maging isang global innovation leader at breeding ground ng technological advances.

Dagdag pa ng Kalihim dapat baguhin din ang pag-iisip ng mga tao at mag rekomenda ng mga reporma sa institusyon at manguna sa landas patungo sa global competitiveness.

Patuloy namang nagtutulungan ang DTI at ang Department of Science and Technology (DOST) sa paglalatag ng mga pundasyon para sa pagbuo ng mga platform at innovation ecosystem sa pamamagitan ng pagtatatag ng Regional Inclusive Innovative Centers (RIICs).

Siniguro naman ni DTI Undersecretary Rafaelita Aldaba na commited ang gobyerno sa pag invest sa talento ng mga batang Filipino.

Dagdag pa ni Aldaba na kailangan din ang patuloy na pagbibigay ng inspirasyon sa mga susunod na henerasyon na tinaguriang mga game changer, pag-aalaga ng pagkamalikhain, pagsuporta sa technological innovation, at pagbuo ng isang enabling environment para sa innovation at entrepreneurship.