Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y mabungang bilateral meeting nila ni Singaporean Pres. Halimah Yacob na nagsasagawa ng five-day state visit sa Pilipinas.
Sa kanilang joint statement, sinabi ni Pangulong Duterte na nagkasundo sila ni Pres. Yacob na palawakin at iangat pa ang level ng kooperasyon at pagkakaibigan ng Pilipinas at Singapore.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga sinaksihan nilang paglagda ng agreements ay patunay sa hangarin ng dalawang bansa na pausbungin pa lalo ang magandang relasyon sa susunod na 50 taon lalo sa sektor ng trade at ekonomiya.
Kasabay nito, inimbitahan ni Pangulong Duterte ang Singapore na isulong pa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa agrikultura, edukasyon, science and technology, gayundin sa tourism and cultural exchanges.
“Over the past 50 years, our governments and peoples have continuously strengthened our commitment and invested resources toward cultivating a special relationship that lives up to its vast potential. With the agreements signed today, we take the first of our eager steps toward the next half-century of our natural, mutually reinforcing and beneficial partnership. With mutual trust, respect, and abiding amity, I am confident that we will achieve our shared goals and aspirations for our peoples. We will forge ahead and bring our ties to even greater heights of [purposive] cooperation and friendship between the Philippines and Singapore,” ani Pangulong Duterte.
Sa panig naman ni Pres. Yacob, inihayag nitong kanyang kinikilala ang matatag at malusog na economic ties ng Pilipinas at Singapore pero nagkasundo raw sila ni Pangulong Duterte na marami pang maaaring gawin.
Kabilang daw dito ang progreso sa Philippines-Singapore Double-Taxation Agreement at expansion ng Bilateral Air Transport Agreement na makakadagdag ng connectivity at lilikha ng mas maraming oportunidad para sa kolaborasyon at pag-unlad.
Masaya rin umano si Yacob sa malapit na “people to people ties” sa pagitan ng Pilipinas at Singapore kung nasa 200,000 Pilipino ang nakatira, nagtatrabaho at nag-aaral sa Singapore.
Kaugnay nito, kinikilala umano ng Singapore ang kontribusyon ng Filipino community sa kanilang lipunan at ekonomiya.
Maliban sa bilateral meeting kay Pangulong Duterte, nakatakdang dadalo rin si Yacob sa isang business forum bukas habang sa Miyerkules, may dialogue ito sa mga kabataan sa Ateneo de Davao University at mag-uusap din sila ni Davao City mayor Inday Sara Duterte sa susunod na mga araw.
“The economic ties between our two countries are strong and robust. But President Duterte and I agreed that we can do even more together. There is room to further boost trade and investment flows. We hope to make progress on updating the Singapore-Philippines avoidance of Double Taxation Agreement and the expansion of the Bilateral Air Transport Agreement, which will increase connectivity and create more opportunities for collaboration and growth,” ani Pres. Yacob.
Ang Singapore ay pang-limang pinakamalaking export market, pang-pitong top import supplier, ikalawang pinakamalaking international investor at ika-siyam na pinakamalaking tourism market.
Noong 2018, pumalo sa P21.18 billion ang investment pledges ng Singapore sa Pilipinas habang umabot din sa $10.49 billion ang halaga ng two-way trade ng dalawang bansa.