-- Advertisements --

Sa gitna ng magkakasunod na sakuna gaya ng lindol, bagyo, at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nagbabala ang Philippine Psychiatric Association (PPA) sa posibilidad ng pagdanas ng “disaster fatigue” ng ilang mamamayan.

Ayon kay Dr. Joan Mae Perez-Rifareal, presidente ng PPA, ang disaster fatigue ay isang uri ng emosyonal at mental na kapaguran na nag-uugat sa pakiramdam ng kawalan ng kontrol sa mga nangyayari sa paligid.

“Kapag sunod-sunod ang sakuna, maaaring makaramdam ang tao ng pagod, panghihina, at kawalang pag-asa,” paliwanag ni Rifareal.

Bilang tugon, payo ng eksperto na ituon ang pansin sa mga bagay na kaya nating kontrolin, tulad ng pagiging handa sa panahon ng sakuna, pagsunod sa mga abiso ng awtoridad, at pag-aalaga sa sariling kalusugan.

Dagdag pa ni Rifareal, mahalaga rin ang pagtutulungan ng komunidad at ang pagtugon sa pangangailangan ng isa’t isa upang mapanatili ang katatagan sa gitna ng krisis.