-- Advertisements --

Inihahanda na ng Philippine Navy ang deployment ng transport vessel na BRP Dagupan City para sa relief mission sa mga lugar na niyanig sa Cebu.

Ito ay parte nng humanitarian assistance and disaster response (HADR) efforts kasunod ng tumamang malakas na magnitude 6.9 na yumanig sa Bogo City at iba pang karatig na probinsiya gabi ng Martes, Setyembre 30.

Sa isang statement, sinabi ni Navy public affairs chief Captain Benjo Negranza na naka-standby din ang medical team ng Naval Forces Central para umalalay.

Nagpapatuloy din ang koordinasyon nila sa Office of the Civil Defense para sa akma at epektibong pagsuporta sa mga isinasagawang operasyon sa mga tinamaan ng lindol.

Nakahanda din ang Navy personnel at kanilang assets para umasiste sa mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng relief at rescue operations at tiyakin ang kaligtasan ng mga naapektuhan ng pagyanig.