MANILA – Maglulunsad na rin ng sariling clinical trial ang Pilipinas para sa anti-parasitic drug na ivermectin bilang posibleng gamot laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang inamin ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato de la Peña sa isang meeting kasama si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.
“Hopefully po, ‘pag natapos ‘yung trial na ‘yan, mas magkaroon tayo ng mas reliable estimates ng epekto ng ivermectin bilang isang anti-viral agent na makakapag-reduce ng virus shedding sa mga mild at moderate patients,” ayon sa kalihim.
Si Dr. Aileen Wang ng UP-Philippine General Hospital Department of Medicine daw ang mangunguna sa isasagawang clinical trial.
Anim na quarantine centers na malapit sa naturang ospital umano ang pagdadausan ng pag-aaral na tatagal ng walong buwan.
Kung maaalala, sinabi ng Science department kamakailan na hindi na kailangan ng Pilipinas na magsagawa ng sariling clinical trials sa ivermectin.
Ayon sa DOST-Philippine Council for Health Research and Development, marami ng bansa ang nagsasagawa ng pag-aaral sa ivermectin, at aabutin ng hanggang isang taon ang eksperimento.
Una nang sinabi ng World Health Organization at drugmaker na Merck, na sa ngayon, walang sapat na ebidensyang epektibo at ligtas gamitin ng tao ang ivermectin panlaban sa coronavirus.
Dalawang ospital na ang ginawaran ng Food and Drug Administration ng “compassionate special permit” para sa ivermectin.
Nilinaw naman ng FDA na wala pang rehistradong human-grade na ivermectin sa Pilipinas, at tanging pampurga sa mga hayop pa lang ang pinapayagang ibenta sa merkado.