-- Advertisements --

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12252 na nag-aamyenda sa Investors’ Lease Act.

Sa ilalim ng batas, papayagan ang mga foreign investors na umupa ng pribadong lupa sa Pilipinas ng hanggang 99 na taon para sa mga negosyo gaya ng pabrika, planta, agro-industrial projects, turismo, at iba pang proyektong makakatulong sa ekonomiya.

May kaakibat na kondisyon ang pag-upa: kailangang rehistrado ang investment sa isang government agency tulad ng Board of Investments, malinaw ang haba at lawak ng kontrata, at dapat agad masimulan ang proyekto.

Awtomatikong kakanselahin ang kontrata kung hindi ito natuloy sa itinakdang panahon o kung ginamit sa maling paraan ang lupa. Lahat ng lease at sublease ay dapat irehistro sa Registry of Deeds para maging legal at protektado.

Hindi rin awtomatikong nare-renew ang kontrata. Kailangan ng kasunduan ng parehong panig at patunay na may benepisyong naidulot sa ekonomiya at lipunan ang investor bago ito mapalawig.

Para naman sa tourism projects, tanging may puhunan na hindi bababa sa limang milyong dolyar ang papayagan, at 70% nito ay dapat maipasok sa loob ng tatlong taon. Pinapayagan ang sublease kung may pahintulot ng may-ari, basta’t rehistrado rin ito.

Layon ng bagong batas na makahikayat ng mas maraming foreign investments, habang tinitiyak na protektado ang lupa at interes ng mga Pilipino.