Makasaysayang tinapos ng Pilipinas ang 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya sa Japan matapos itong humakot ng 29 na medalya sa pagwawakas ng palaro nitong Linggo, Oktubre 4.
Ito ang pinakamaraming medalyang nasungkit ng bansa sa loob ng anim na dekada mula noong 1966 sa Bangkok, Thailand.
Nakamit ng Pilipinas ang ika-17 na pwesto kung saan nakasungkit ang koponan ng bansa ang apat na gintong medalya, siyam na pilak, at 16 na tansong medalya. Nangunguna pa rin muli ang bansang China sa top 1 spot ng palaro.
Bagama’t hindi naungusan ng bansa ang four-gold record noong 2018 sa Jakarta-Palembang at 2023 sa Hangzhou, China, matagumpay pa rin ang pagtatapos ng paglalaro para sa Philippine Olympic Committee (POC).
“Hindi nga lang nadagdagan ‘yung gold pero nadagdagan ‘yung silvers and bronzes. Saka ‘yung total nalampasan natin, madami tayong nalampasan,” ayon kay POC President Abraham Tolentino.
Unang bininyagan ni golden boy at two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo ang muling unang dalawang ginto ng bansa sa kaniyang floor exercise at vault para sa men’s artistic gymnastics.
Sunod nakuha ni vaulter EJ Obiena ang ikatlong ginto ng bansa sa larangan ng pole vault sa markang 5.91.
Nakamit naman ng pambato ng bansa sa kauna-unahang mixed virtual taekwondo na si Jeus Yape ang ika-apat na ginto ng bansa para sa Asiad.
Bilang parangal sa kaniyang pagkapanalo, binitbit din ni Yape ang watawat ng Pilipinas sa pangwakas na seremonya ng Asian Games.
Samantala, inaabangan naman ng koponan ng bansa ang susunod na Asiad na nakatakdang maganap sa Doha, Qatar sa 2030.
















