Ikinukonsidera na ng pamahalaan ng Pilipinas ang posibilidad na itaas ang alert level sa Israel at Iran dahil sa patuloy na palitan ng opensiba ng dalawang bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, bagama’t nasa Alert Level 2 pa lang ang Israel at Level 1 ang Iran, kumikilos na umano ang pamahalaan na tila nasa Alert Level 3 na o yugto ng boluntaryong pagpapauwi ng mga Pilipino.
Sa isang pahayag sinabi ni De Vega na patuloy ang pag-monitor nila sa kalagayan ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan bago maglabas ng pinal na desisyon.
Magugunitang, kamakailan lamang ay nagsagawa ng air strike ang Israel sa ilang bahagi ng Iran bilang umano’y preemptive strike para pigilan ang paggawa nito ng nuclear weapon ngunit gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng pagpapakawala ng daan-daang missiles at drones sa Israel.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), inaasahang ililikas ang 26 na Pilipino mula Israel patungong Jordan sa darating na weekend, habang nasa 150 pa ang nagpahayag ng kagustuhang umalis. Nasa 17 Pilipino rin ang nais lumikas mula Iran.
Suspendido naman sa ngayon ang flight operations sa lugar dahil sa lumalalang tensyon.