Pangungunahan ng isang senior diplomatic ang gagawing imbestigasyon kay Philippine Ambassador to Brazil Marich Mauro na nakitang binubugbog ang kaniyang kasambahay.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na bumuo ito ng isang fact-finding team na hihimay sa imbestigasyon laban kay Mauro.
Magugunita na nakita sa cctv footage na inilabas ng Brazil ang walang awa na pambubugbog ni Mauro sa kaniyang 51-anyos Filipina staff.
Ayon sa DFA, sa oras na magkaroon ng prima facie evidence o sapat na ebidensya ang fact-finding team, ay didinggin ang kaso ng hearing panel na bubuuin naman ng Board of Foreign Service Administration.
Bago ito ay pinauwi na ng bansa ang embahador ng Pilipinas sa Brazil makaraang kumalat ang kontrobersiya na video kung saan makikita na sinabunutan, sinapok at binato pa nito ang kaniyang kasambahay.
Taong 2016 nang simulan ni Mauro ang kaniyang tungkulin bilang envoy ng Pilipinas sa Brazil.
Samantala, nakabalik na ng bansa ang kasambahay noong Oktubre 21 at nakipag-ugnayan na rin sa kaniya ang ahensya upang alamin ang kaniyang kalagayan at kung bukas din ito na tumulong sa gagawing imbestigasyon laban sa dati niyang amo.