MANILA – Matapos ang anim na buwan, nakapagtala muli ang Pilipinas ng higit 4,000 kaso ng COVID-19.
Ngayong araw, nag-ulat ang Department of Health (DOH) ng 4,578 na bagong kaso ng COVID-19. Ito na ang pinakamataas mula noong September 14, 2020, kung saan nakapagtala ang bansa ng 4,699 new cases.
Dahil dito sumirit pa sa 611,618 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa.
“5 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Document Repository System (CDRS) on March 11, 2021.”
Balik higit 50,000 naman ang active cases o bilang ng mga nagpapagaling, na nasa 52,012, na pinakamataas din mula noong Setyembre.
Nadagdagan naman ng 272 ang total recoveries na ngayon ay 546,912 na.
Samantalang 87 ang bagong nai-ulat na namatay, para sa 12,694 na total deaths.
“8 duplicates were removed from the total case count. Of these, 5 are recoveries and 1 is a death.”
“Moreover, 26 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation.”