-- Advertisements --

Maghahain umano ng motion for reconsideration sa susunod na linggo ang ilan sa mga petitioners ng na-dismiss na disqualification cases laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

Sinabi ni Atty. Howard Calleja, abogado ng CARMMA, Lunes o Martes sa susunod na linggo nila balak maghain ng motion for reconsideration.

Para kay Calleja, maraming bagay ang kuwestiyonable sa naging ruling nina Comelec commissioners Aimee Ferolino at Marlon Casqueja sa consolidated disqualification cases laban kay Marcos Jr.

Patutsada pa ni Celleja na “obvious” naman aniya na may desisyon na dati pa hinggil sa usapin na ito.

Subalit dapat aniya inilabas na lang ang desisyon na ito bago pa man ang retirement ni dating Commissioner Rowena Guanzon, na nagsabing may nanghihimasok sa pagproseso ng Comelec First Division kaya natatagalan ang paglalabas ng ruling sa disqualification cases na kinakaharap ni Marcos Jr.

Nakasaad sa resolution na iniakda ni Ferolino na salungat sa iginigiit ng mga petitioners, ang parusang perpetual disqualification dahil sa kabiguan na makapaghain ng income tax returns ay hindi nakasaad sa orihinal na 1977 National Internal Revenue Code.

Ang naturang parusa ay ipinatupad lamang kasunod nang effectivity naman ng Presidential Decreee 1994 noong Enero 1, 1986.

Ayon kay Calleja, nakakalungkot ang dahilan na ito sapagkat alam naman aniya ng lahat na may batas talaga na nagtatakda sa paghahain ng income tax returns.

Nakasaad din sa ruling na ang non-filing ng income tax returns ay hindi krimen base sa moral turpitude.

Mababatid na ibinase ng mga petitioners ang kanilang disqualification cases laban kay Marcos Jr. sa argumento na pinagbawalan siyang humawak sa anumang posisyon sa gobyerno matapos siyang ma-convict dahil sa kabiguan niyang makapaghain ng kanyang income tax returns mula 1982 hanggang 1985.