CENTRAL MINDANAO – Dininig ng Regional Trial Court (RTC)Branch 23 ang inihaing petisyon ni Cotabato Vice-Governor Emmylou “Lala” Talino-Mendoza laban sa kautusan ni Cotabato Governor Nancy Catamco na kailangang idaan sa kanya at aprubado niya ang mga kontrata ng mga job orders (JO) at contract of service (COS) ng provincial government ng Cotabato.
Ginanap ang hearing sa harapan ni Presiding Judge Jose Tabosares kung saan dumalo mismo si Talino-Mendoza at kanyang legal counsel na si Atty. Batacan ng BMV Law Firm.
Matatandaang nilagdaan ni Gov Catamco ang Memorandum No. 394 noong June 24, 2021 na nag-uutos sa lahat ng department heads ng provincial government of Cotabato na tiyaking lahat ng mga kontrata ng mga JO at COS ay dadaan at kailangang aprubado ng gobernadora maging saan mang sangay kabilang na ang Sangguniang Panlalawigan.
Para naman kay Vice Gov. Talino-Mendoza, walang basehan at walang karapatan si Gov Catamco na kwestiyunin ang hiring at appointment ng mga JO at COS partikular na ang mga nasa Office of the Vice Governor at Sangguniang Panlalawigan ng Cotabato dahil sariling pondo o budget naman nila ang ginagamit sa sahod ng mga ito.
Sinabi ni Mendoza na mahalaga ang mga JO at COS sa OVG at SP Cotabato at may kanya-kanyang duties and responsibilities ang mga ito sa paghahatid ng makatotohanang serbisyo sa mamamayan.
Kaya naman noong August 2, 2021 ay nag file si Mendoza ng mandamus prohibition na naglalayong pigilan si Gov Catamco na maipatupad ang Memo No. 394 at sa legal na paraan ay maatasan ang Provincial Budget Office, Provincial Human Resource Management Office at ang Provincial Accounting Office na ituloy ang renewal ng mga apektadong JO at COS.
Binigyang diin din ni Talino-Mendoza na may mga pamilyang umaasa sa mga JO at COS at mahalaga sa mga ito ang kanilang trabaho.
Kasama ni Talino-Mendoza sa pagdalo sa korte ang mga miyembro ng SP Cotabato na sina Jonathan Tabarra, Ivy Dalumpines-Ballitoc, Joemar Cerebo, Mohammad Kellie Antao, Rose Cabaya, at Atty. Roland Jungco.
Samantala, hindi naman dumalo sa hearing si Gov Catamco at maging ang provincial legal officer na si Atty John Paul Zerrudo ay bigo ring dumalo.
Sa halip ay si Atty Israelito Torreon ng law firm ng Torreon and Partners mula sa Davao City ang nagrepresenta sa panig ni Gov Catamco, bagay na kinuwestiyon ni Atty Batacan dahil wala raw basehan o pinanghahawakan si Torreon para maging representante ni Catamco sa hearing.
Resulta nito ay hindi pinayagan ng korte si Torreon na magbigay ng kanyang argumento kaya muling diringgin sa September 10, 2021 ang petisyon kung saan hiniling ng korte na dumalo si Gov Catamco o’ di kaya ay si provincial legal officer Atty Zerrudo.
Hanggang ngayon ay hindi pa nakakapagsumite ng comment ang mga respondent sa kabila ng direktiba ng korte.