-- Advertisements --
atio castillo

Ibinasura sa korte sa Maynila ang petitions for bail ng 10 fraternity members na sangkot sa pagkamatay ng first year University of Sto. Tomas law student na si Horacio “Atio” Castillo.

Dahil dito, mananatili ang mga akusado sa bilangguan na nakaditine sa Manila City Jail noon pang May 2018.

Sa 56 pahinang order, sinabi ni Manila Regional Trial Court Branch 20 Presiding Judge Marivic Balisi-Umali na base sa presentation ng facts and evidence ay nakitaan ng korte ng evidence of guilt ang bawat akusado.

Kabilang sa 10 fraternity members na hindi pinayagang makapagpiyansa sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew at Marcelino Bagtang.

Ang order ay may petsang December 10, 2019 pero inilabas lamang nitong Enero 3, 2020.

Una rito, nakitaan ng korte ng probable cause para makulong ang 10 miyembro ng Aegis Juris dahil sa paglabag sa Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law dahil sa pag-hazing kay Castillo noong September 17, 2017.

Nag-set na rin ang korte ng hearing sa hazing case sa Enero 14, 2020.