Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na nagkabuhol-buhol na sa dami ang kaniyang mga rason kaya siya nagbitiw bilang kalihim ng kagawaran ng edukasyon.
Sa isang ambush interview sa ginanap na turn over ceremony ng liderato ng kagawaran kanina sa DepEd central office, inamin ng pangalawang pangulo na kabilang sa dahilan ng kaniyang pagbibitiw ay ang personal issue nila ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye ang bise presidente dahil kinakailangan umano ng mahabang oras ng usapan hinggil dito.
“We need a sit down for the reasons. Ano siya eh, merong personal sa aming dalawa ni President Marcos, which stems from yung napag-usapan namin bago ako pumayag na tumakbong Vice President, meron siyang sa trabaho at meron siyang sa bayan,”
Kasabay nito, pinabulaanan niya na may kinalaman si First Lady Araneta-Marcos sa kaniyang resignation.
“No. Kase wala naman ding kinalaman si First Lady sa trabaho namin ni Pangulong Marcos. Sabi ko nga kailangan niya ng sit down dahil hindi siya isang rason lang, nagkabuhol-buhol na siya na maraming rason.”
Kasunod nito, binigyang diin ni Duterte na hindi na siya magsisilbi sa anumang posisyon sa gabinete ng Marcos Administration.
Samantala, dagdag pa rito, prayoridad ngayon ng Office of the Vice President na maghanap ng mga lugar na kulang sa serbisyo sa iba’t ibang satellite offices nila, mga kababaihan, kabataan, LGBT at mga senior cetizens.
Asahan umanon ng publiko na mas tututukan ngayon ng pangalawang pangulo ang mga kasalukuyang proyekto ng OVP, mga satellite office, ang mga legacy project ng Office of the Vice President mula pa noong panahon ni Vice President De Castro, medical at burial assistance, ang Magnegosyo Ta day, at ang advocacy campaign nila na libreng sakay.