-- Advertisements --

Nagpadala ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha sa Maguindanao del Sur, partikular sa bayan ng Datu Piang.

Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, 1,000 food packs na naglalaman ng bigas, noodles, de-lata, at inuming tubig ang ipinamigay sa mga evacuee. Bukod dito ang 2,500 ‘Charitimba’ o balde ng relief goods ang ipinamigay ngayong Linggo.

Mababatid na isinailalim sa state of calamity ang Datu Piang matapos bahain ang 16 barangay, na nakaapekto sa halos 8,000 pamilya, dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Iniulat ng Provincial DRRMO na higit 50,000 pamilya ang apektado. Samantala, dalawang katao naman ang naitalang nasawi sa Koronadal City.

Tinukoy din ng NDRRMC ang mga bayan ng Datu Abdullah Sangki at Talayan bilang kabilang sa mga pinakamatinding naapektuhan ng baha.