Idineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Islander aircraft para i-monitor at i-challenge ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) na nasa katubigan ng Batanes.
Sa isang statement, iniulat ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na aktibong binabantayan ng PCG ang tatlong barko ng CCG na may bow number 3304, 3301 at 4304 sa mga katubigan ng Batanes simula pa noong Huwebes matapos madetect ang mga ito ng Dark Vessel Detection system ng Canada.
Kasunod ng mga iregular na galaw ng mga barko ng China, ipinadala ng PCG ang Islander aircraft para magsagawa ng Maritime Domain Awareness (MDA) patrols sa hilagang rehiyon para i-challenge at idokumento ang mga galaw ng mga barko ng China.
Umalis ang PCG Islander mula sa Maynila umaga ng Biyernes patungo sa pinakahilagang probinsiya ng Pilipinas.
Nang matunton ang lokasyon ng CCG 4304, agad nag-isyu ng radio challenge ang crew ng PCG at iginiit na walang legal na awtoridad ang barko na mag-operate sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, tinatayang nasa 75 nautical miles kanluran ng baybayin ng Sabtang, Batanes.
Subalit hindi tumugon ang barko ng China Coast Guard. Hindi naman nakalapit ang PCG aircraft sa lokasyon ng CCG vessel 3304 at 3301 dahil sa masamang lagay ng panahon at distansiya o layo ng mga ito.
Sa kabila nito, tiniyak ng PCG ang kahandaan nito na magdeploy ng karagdagang resources sakaling patuloy ang presensiya ng mga barko ng CCG o mas lumapit sa baybayin ng Batanes at siniguro din ang pagprotekta sa mga katubigan ng PH at gagawa ng kaukulang mga hakbang laban sa anumang mga paglabag sa maritime jurisdiction ng bansa.