-- Advertisements --

Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tinalakay ang mga isyung kaugnay sa West Philippine Sea sa pagkikita nina dating pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa Beijing.

Sinabi ng Pangulong Marcos Jr., welcome ang bagong line of communications sa pakikitungo sa China.

Ang pahayag ng Pangulo ay bunsod sa naging pulong kamakailan sa pagitan nina dating Pangulo Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa Beijing.

Umaasa ang Pangulo na ang nasabing inisyatiba ay magpapalakas sa pagkakaintindihan sa pagitan ng Pilipinas at China para matulungan ang anumang hindi pagkaka-unawaan ng dalawang bansa.

“I hope that napag-usapan nila ‘yung mga issue na ngayon, ‘yung mga nakikita natin, ‘yung mga shadowing, ‘yung mga kung ano-ano. All of these things that we are seeing now, I hope na napag-usapan nila para naman magkaroon tayo ng progress. Kasi ‘yun naman talaga ang habol natin ay ipatuloy ang pag-uusap. Kaya’t I welcome any new lines of communication,” pahayag ng Pang. Marcos Jr.

Ayon sa Chief Executive, hindi mahalaga kung sino ang nakikipag-usap kay President Xi pero kung ito ay si dating Pangulong Duterte ay mas mainam ito.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga na may nakikipag-usap sa China ng sa gayon malutas na ang mga isyu lalo na sa sitwasyon sa West Philippine Sea.

“I hope — I’m sure that he (Duterte) will have a — hindi naman report but I’m sure he will be able to tell us what happened during their conversation and see how that affects us,” wika ng Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na hindi nagpa-alam ang dating Pangulo sa kaniya hinggil sa pakikipag pulong nito kay Xi.

Batay sa ulat umaasa si Xi na ang dating Pangulong Duterte ay patuloy na gaganap ng malaking papel sa pagtutulungan ng Pilipinas at China.

Nakipapulong si Duterte kay Xi sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing nuong Lunes.