-- Advertisements --
image 140

Inihayag ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ngayong araw na posibleng bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga lugar na apektado ng bulkang Mayon.

Ito ang naging tugon ng kalihim nang matanong kung mayroon ding plano ang Pangulo na personal na bisitahin ang probinsiya.

Ayon sa kalihim, maigting na naka-monitor ang Pangulo sa sitwasyon sa Albay dahil sa unrest sa bulkan at hindi na rin aniya magtataka pa ito kung lilipad ang Pangulo anumang oras para mabisita ang apektadong mga lugar.

Saad pa ni Gatchalian na naging isang local chief executive din si PBBM at napaka-hands on nito lalo na pagdating sa pagpapatakbo ng gobyerno higit sa lahat tuwing mayroong ganitong kalamidad.

Ayon naman sa Albay police, nakatakdang bumiyahe ang Pangulo sa probinsiya sa araw ng Lunes, Hunyo 14 subalit ipinagpaliban ang pagbisita ng Punong ehekutibo matapos itaas sa Alert level 3 ang alerto sa Bulkang Mayon.

Sa halip, sinabihan umano ang mga awtoridad sa lalawigan mula sa Presidential Management Staff at Presidential Security Group na pagtuunan ang ginagawang mga hakbang sa paglikas sa mga residente.