-- Advertisements --

Kinumpirma ng Palasyo ng paiimbestigahan ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ang reklamo ng mga customer ng kumpanyang PrimeWater dahil sa umano’y mataas na singil at mababang kalidad ng serbisyo sa ilang lugar sa Bulacan.

Ayon kay Palace Press Officer USec., Claire Castro na walang puwang sa administrasyong Marcos, Jr. ang anumang kakulangan ng serbisyo.

Iginiit din ng Palasyo na karapatan ng publiko ang access sa malinis at sapat na suplay ng tubig, at hindi dapat ginagamit sa negosyo.

Sinabi ni Castro ang pangangailangan ng tao sa malinis at sapat na suplay ng tubig ay nararapat at hindi pang-negosyo, at ito ay dapat kinakalinga ang pangangailangan ng taong bayan.

Ang PrimeWater ay kumpanyang pag-aari ng pamilya Villar.

Ayon kay Castro, dapat umaksyon agad ang kumpanya para maresolba ang mga isyung inirereklamo ng mga apektadong customer.

” Unang-una po, sinabi po natin na ang kakulangan sa serbisyo ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. Ang pangangailangan po ng tao sa malinis na tubig, sapat na supply ng tubig ay dapat lang pong nararapat ay hindi pangnegosyo lamang kung hindi ito ay dapat na kinakalinga ang pangangailangan ng taumbayan. Mag-uutos po ang Pangulo para maimbestigahan po ito,” pahayag ni USec. Castro.