Kinalampag ng ilang grupo ng negosyante at manggagawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang kumilos sa isyu ng malawakang korapsyon sa pamahalaan, kasabay ng pagbatikos sa mabagal na imbestigasyon sa mga sangkot.
Sa isang open letter, sinabi ng mga grupo na matagal nang pasan ng mga manggagawa at employer ang pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng buwis at paggawa, kaya’t hindi sila mananahimik habang trilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan.
Kabilang sa lumagda sa liham ang Employers Confederation of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Philippine Exporters Confederation Inc., Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Trade Union Congress of the Philippines.
Binatikos ng mga grupo ang kawalan ng konkretong aksyon ilang buwan matapos banggitin ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang laban kontra katiwalian, dahil hanggang ngayon ay wala pang kasong isinampa o hold departure order na inilabas.
Ipinunto rin ng mga grupo na bumaba ang tiwala ng publiko sa gobyerno, batay sa survey ng Pulse Asia kung saan 97% ng mga Pilipino ang naniniwalang laganap ang korapsyon.
Nanawagan din sila sa Pangulo na patunayan na hindi ito “selective justice” o piling hustisiya kundi simula ng tunay na reporma. Kabilang sa kanilang hiling ang regular na dayalogo sa mga sektor ng paggawa at negosyo, pagbibigay ng subpoena power sa Independent Commission for Infrastructure, at paglikha ng espesyal na dibisyon sa Sandiganbayan para sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon sa imprastruktura.
Hiniling din nila ang agarang pagbawi ng nakaw na yaman at paggamit ng bahagi nito sa mga programang panlipunan, at mas malawak na partisipasyon ng publiko sa proseso ng badyet upang maging “pondo ng taumbayan.”















