Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang preemptive evacuation sa mga residenteng nasa high-risk areas bilang paghahanda sa Super Typhoon Bavi, na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang mga awtoridad na tiyaking ligtas ang mga evacuation center, magtalaga ng livestock evacuation zones, at tukuyin ang mga alternatibong ruta.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng sea travel bans, pag-inspeksyon sa mga kritikal na imprastruktura, pagbibigay ng maagang tulong sa mga bulnerableng sektor, at pagbabantay laban sa mga sakit na dulot ng baha.
Bukod dito, iniutos din ng Punong Ehekutibo ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment scenario meetings, pag-standby ng NDRRMC at mga regional counterpart nito, pag-isyu ng mga alert warning, at paglulunsad ng malawakang information campaign.
Kabilang din sa mga direktiba ang pag-pre-position ng mga rescue team, relief goods, at mahahalagang suplay.
Binigyang-diin ni Castro na ito ay isang “whole-of-government approach” kung saan lahat ng sangkot na ahensiya ay obligadong kumilos nang mabilis at magkakatuwang.
















