Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Philippine National Police (PNP) na maging mas estratehiko sa pagbili ng mga kagamitang pangkomunikasyon upang higit na mapabuti ang interoperability nito, lalo na sa mga sitwasyong pang-emergency at krisis.
Ito ang binigyang-diin ng Presidente sa isinagawang PNP Command Conference ngayong araw na ginanap sa Kampo Crame.
Tinukoy ng Pangulo ang kahalagahan na magkaroon ng maayos na communications system sa hanay ng pambansang pulisya.
Nais ng pangulo na makapag report kaagad ang mga pulis sa ground sa mga di inaasahang sitwasyon.
Nababahala kasi ang Pangulo sa iniulat ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., na mababa ang equipment capacity ng pambansang pulisya.
Binigyang-diin ng Chief Executive na dapat ayusin at palakasin ang communications capability ng PNP dahil hindi pwede magampanan ng mga pulis ang kanilang trabaho kung kulang sa kagamitan.
Inatasan din ng Pangulo ang PNP na pag-aralan ang paggamit ng iba pang communications equipment lalo at ang mga teknolohiya ngayon ay magaganda na at mura.
Nagpaalala din ang punong ehekutibo sa mga opisyal na tiyakin na ang lahat ng kagamitan para sa komunikasyon ay na-standardize upang matiyak ang interoperability sa buong bansa, kasama ang pagbibigay ng secured network kung saan ang mga komunikasyon sa pagitan ng mga yunit at opisina sa loob ng PNP ay maaaring gumana sa paligid.