Hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Atty. Claire Castro, mayroon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na binuo ang Pangulo na siyang nakatutok para imbestigahan ang naturang usapin.
Ginawa ng Palace official ang pahayag nang matanong kaugnay sa pagkakadawit ng pangalan ng pinsan ng Pangulo na si dating House Speaker Martin Romualdez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, Setyembre 25 kung saan nabanggit sa testimoniya ng dating security aide ni Ako Bicol Party List Representative Elizaldy Co na si Orly Guteza, na naghahatid umano ng mga maleta na naglalaman ng milyun-milyong halaga ng cash sa bahay ng dating House Speaker.
Dito, muling iginiit ni USec. Castro na nais ng presidente na dapat may maipresentang ebidensiya lahat ng lulutang na testigo sa umano’y anomaliya sa naturang mga proyekto upang magamit sa korte sakaling may sampahan ng kaso.
Kinuwestyon din ng opisyal ang pagiging lehitimo ng affidavit ni Guteza matapos lumabas ang report na peke umano ang naturang affidavit makaraang itanggi ng abogadong nakalagda ang pag-notaryo sa naturang affidavit ni Guteza.
Hindi naman nakikita ng Malacañang na aabot sa puntong madadawit ang pangalan ng Pangulo kasunod ng pagkaladkad sa pangalan ng kaniyang pinsan na si Romualdez sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y anomaliya sa flood control.
Una rito, inihayag ni Pangulong Marcos na walang sasantuhin sa imbestigasyon sa mga posibleng anomalya sa flood control projects.