Dismayado umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos mabigong maibalik sa Pilipinas ang dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na personal niyang nakausap ang Pangulo at inamin nitong “disappointed” siya dahil malapit na sanang maisakatuparan ang repatriation ni Co.
Gayunpaman, hindi ito natuloy dahil sa mga umiiral na proseso sa ibang bansa na sangkot sa kaso.
Ayon sa Palasyo, lumalabas na ang naging isyu ay may kaugnayan sa paggamit ng umano’y invalid documentation, kaya ang Czech Republic pa rin ang may hurisdiksyon sa mga susunod na hakbang hinggil sa kaso ni Co.
Nilinaw din ng Malacañang na wala itong nakikitang dahilan para humingi ng paumanhin ang Pangulo sa publiko, sa kabila ng pagkadismaya ng ilang mamamayan sa hindi natuloy na pag-uwi ng dating kongresista.
Giit ni Castro, ginawa ng administrasyon ang lahat ng nararapat na hakbang upang maproseso ang kaso.
Nanindigan din ang Palasyo na walang mali sa naging pahayag ng Pangulo kaugnay ng pagkakadakip kay Co sa Prague.
Umaasa naman ang pamahalaan na sa pamamagitan ng mas malawak na kooperasyon ng mga bansa sa ilalim ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC), ay mas mapapabilis ang proseso para sa posibleng pagbabalik sa Pilipinas ng dating kongresista, na nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon sa flood control projects.
















