ILOILO CITY – Kinumpirma ng Public Safety and Transportation Management Office ang pagdaong ng isang passenger vessel galing sa Palawan sa lungsod ng Iloilo sa kabila ng ipinatupad na community quarantine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Jeck Conlu, pinuno ng Public Safety and Transportation Management Office sinabi nito na dumaong kaninang umaga sa Iloilo City ang MV Milagrosa J Singko na may sakay na 69 na mga pasahero at 33 mga tripulante.
Ayon kay Conlu, ang nasabing barko ay galing ng Puerto Princesa City, dumaan ng Cuyo, Palawan at papuntang Iloilo at sa Cebu naman ang exit point.
Ani Conlu, karamihan sa mga pasahero ay residente ng probinsya at syudad ng Iloilo.
Dagdag pa ni Conlu, dahil wala namang kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa Palawan ay pinayagang makababa ng barko at makauwi sa kani-kanilang lugar ang mga pasahero.
Samantala, kabilang sa mga pasahero na sakay ng naturang barko ang isang foreign national galing ng San Francisco, California at dumating noong Pebrero 25 at nagbakasyon sa Palawan.
Temporaryo namang hinold ang foreign national sa Iloilo dahil sarado pa ang pantalan sa Cebu dahil na rin sa COVID-19 threat.
Ayon pa kay Conlu, ang nasabing barko na ang pinaka huling barko na papayagang makadaong sa Iloilo dahil epektibo na ngayong araw ang ipinatupad na community quarantine.
Kasabay nito, patuloy naman ang isinasagawang misting ng Public Safety and Transportation Management sa mga Public Utility Jeepney sa lungsod ng Iloilo na parte parin ng preventive measures laban sa COVID-19.