Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nagsumite na sila ng kahilingan para sa Red Notice sa Interpol laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon sa DOJ, ito ay bahagi ng legal process upang ipatupad ang arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa ‘war on drugs’ campaign ng dating administrasyon.
Sinabi rin ng DOJ na itinuturing nang “fugitive from justice” si Dela Rosa at inatasan na ang mga law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad ang pag-aresto.
Ipinaliwanag pa ng ahensya na ang Red Notice ay hindi mismo warrant of arrest, kundi isang international alert upang matunton at posibleng maaresto ang isang taong may kinakaharap na mabibigat na kaso.
Nagbabala rin ang DOJ laban sa sinumang magtatangkang tumulong umano sa pagtatago ng senador.
Matatandaang lumabas na ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa inihaing petisyong temporary restraining order (TRO) ng kampo ng senador, na naglalayong hindi pahintulutan ang pag-aresto sa kaniya ng ICC.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang kinaroroonan ng senador, matapos na umalis ng premises ng Senado noong Mayo 14 ng madaling-araw, matapos ang kaguluhan sa Senado noong Mayo 13.















