Nagbabala si Justice Secretary Fredderick Vida na kikilos ang pamahalaan upang pigilan si Sen. Ronald dela Rosa kung susubukan nitong umalis ng bansa sa gitna ng umiiral na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Vida, natanggap na ng pamahalaan ang warrant laban kay Dela Rosa, ngunit hinihintay pa ang magiging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa petisyon ng senador na kumukuwestiyon sa legalidad nito.
Nagbigay rin umano ng direktiba sa mga law enforcement at border control authorities na agad gumawa ng kaukulang aksyon sakaling tangkain ng senador na lumabas ng bansa.
Matatandaang pansamantalang nanatili si Dela Rosa sa Senado matapos siyang mabigong maaresto, ngunit kalaunan ay umalis rin sa gusali at hanggang ngayon ay hindi pa kumpirmado ang kanyang kinaroroonan.
Si Dela Rosa ay kabilang sa mga tinukoy ng ICC bilang umano’y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon. (Report by Bombo Jai)
















