Malugod na tinanggap ng Office of the Solicitor General (OSG) ang naging desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang kahilingan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at iba pang injunctive relief kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kanya base sa warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa OSG, ipinapakita umano ng desisyon ng Kataastaasang Hukuman na wala itong nakitang sapat na basehan upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant laban sa senador.
Paliwanag pa ng OSG na kung pinaboran ang TRO, pansamantalang mapipigilan sana ang implementasyon ng arrest warrant habang dinidinig ang kaso. Samantala, kung status quo ante order (SQAO) naman ang inilabas, maaari nitong ibalik ang sitwasyon bago naipatupad ang warrant.
Giit ng OSG, nabigo umano si Dela Rosa na patunayan ang mga kinakailangang kondisyon para mabigyan ng injunctive relief. Kabilang dito ang hindi malinaw na dahilan kung bakit dapat siyang bigyan ng proteksyon, hindi niya napatuyan na may nangyaring actual na paglabag sa kanya, at ang katotohanang binawi na umano ang CIDG subpoena na kanyang ginamit bilang batayan.
Binanggit din ng OSG na na-recall na umano ang subpoena ng CIDG na ginamit na batayan sa petisyon ng senador.
Dagdag pa ng tanggapan, mahalagang tingnan hindi lamang ang teknikalidad ng batas kundi pati na ang layunin nito na makamit ang hustisya, lalo na sa gitna ng kasong crimes against humanity na kinahaharap ni Dela Rosa.
Sa kabila nito, nilinaw ng Korte Suprema na hindi pa nito tuluyang dinidinig ang pangunahing usapin sa kaso, kabilang ang legalidad ng pagpapatupad ng ICC warrant sa Pilipinas at kung maaari itong ipatupad kahit umatras na ang bansa mula sa Rome Statue.
















