-- Advertisements --

Naglaan ang Pasig City Government ng P5.5 million bilang tulong pinansyal sa ilang lokal na pamahalaan na naapektuhan ng Tropical Cyclones Nando at Opong at ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, batay sa City Resolution No. 83-12 ng lungsod.

Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda ang Calayan (P500,000), Masbate (P1 million), Oriental Mindoro (P1 million), Cebu (P2 million), at Bogo City (P1 million).

Ayon sa Pasig City Public Information Office, naipagkaloob na ang tulong sa mga lalawigan ng Cebu at Oriental Mindoro.

Personal ding iniabot ni Mayor Vico Sotto ang tulong kay Gov. Bonz Dolor ng Oriental Mindoro, habang tinanggap naman ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro ang ayuda mula sa Pasig.

Bukod sa cash assistance, nagbigay din ang Pasig ng Emergency Go Bags at nagpadala ng 25-member team na nagsagawa ng psychosocial first aid, medical assessment, at infrastructure audit sa mga apektadong lugar.

Ipinahayag ng Pasig City ang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa relief mission, bilang bahagi ng patuloy na pakikipagtulungan at kahandaan sa sakuna ng lungsod.