IMG 20200610 135828

Dahil na rin sa mahigpit na pagsunod ng Supreme Court (SC) sa mga health protocol ng pamahalaan laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na kailangang sundin, isasagawa ang oath taking ceremony ng mga nakapasa sa 2019 Bar Examination sa pamamagitan ng video conferencing.

Sa Bar Matter 3489 na linagdaan nina Deputy Clerk of Court and Bar Confidant Rosita Nacional at 2019 Bar Examination Committee Chairman Senior Associate Justice Estela Perlas Bernabe, gaganapin ang oath taking ng mga bar passers sa Hunyo 25, dakong alas-2:00 ng hapon.

Ayon sa SC, ang mga dadalo sa video conferencing ay limitado lamang sa mga mahistrado ng SC, 2019 bar passers, examiners, law school deans, mga key official ng SC at mga organizer.

Upang makita ng mga pamilya ng bar passers, ang seremonya ang video conference ay mapapanood ng live sa government network, ang PTV4.

Paalala ng SC, ang lahat ng manunumpa ay kailangang magparehistro hanggang June 18, at hintayin ang mga instructions at mga protocol tungkol sa seremonya na ipadadala sa email sa loob ng tatlong araw.

Sa araw ng seremonya o sa June 25, kailangang makasali ang bar passers sa video conferencing mula alas-10:30 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon para sa screening.

Lahat nang hindi makadadalo sa screening ay hindi papayagang makasali sa oath taking.

Lahat ng manunumpa ay kailangang nakasuot ng itim na graduation robes o toga.

Bilang patunay na sila ay dumalo sa oath taking ceremony, inaatasan ang mga Bar passers na kumuha ng larawan o screenshot ng video conference na nagpapakita sa kanya/kanila at ang en banc proceedings.

Ang digital copy ng larawan ay dadalhin sa araw ng paglagda sa Roll of Attorneys bilang patunay na sila ay dumalo sa seremonya.

Paalala ng SC, ang oath taking ceremony ay official en banc proceeding ng Kataas-taasang Hukuman at inaatasan ang lahat ng dadalo sa video conference na sumunod sa protocol, proper decorum at maging magalang.

Mahigpit na bilin ng SC, walang attendee na magpapakita ng magaspang na kilos, na maaaring makaapekto sa seremonya.

Babala ng SC, ang bar passer na hindi makasusunod sa panuntunang ito ay magreresulta sa non-attendance sa oath taking at maaaring maging dahilan upang mapagkaitan ang ano mang idudulog na petition para makapanumpa bilang abogado.