Nagbanta ang kilalang election lawyer na si Atty Romulo Macalintal na kukuwestyunin niya sa Supreme Court (SC) ang constitutionality ng panukalang batas na pagpapaliban sa barangay at SK elections sakaling maging tuluyan na itong maging batas.
Una rito sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Macalintal kanyang binigyang diin ang kanyang pagtutol sa postponement dahil wala raw kapangyarihan ang kongreso na mag-postpone ng halalan na kanilang itinakda.
Aniya, ang trabaho umano ng Kamara at Senado at ay magtakda lamang kung gaano katagal ang panunungkulan ng mga barangay officials sa isang halalan.
Kung tutuusin ay meron lamang three-term limit at kung meron ng scheduled elections ay hindi na raw ito maaaring i-postpone.
Ginawa ng naturang election lawyer ang pahayag kasunod na rin nang pagpasa sa committee level ng panukalang posponement ng December elections at sa halip ay ipagpaliban sa susunod na taon.
Bwelta naman ni Atty Macalintal, maari lamang magkaroon ng pag-postpone sa halalan kung merong umiiral na “violence, intimidation at pagkasira ng mga dokumento.”
Kinwestiyon din ni Macalintal ang sistema ng holdover position ngayon para sa mga barangay officials na kung tutusin ayon sa Supreme Court decisions ay gawain ito at ini-a-appoint sa pamamagitan ng legislative.
Giit pa ng abogado, malinaw daw sa saligang batas na ang mga barangay officials ay inihahalal at hindi ina-appoint sa kanilang mga posisyon.