-- Advertisements --

Hindi tinanggap ng Department of Education (DepEd) ang panukala ng isang teachers’ group na magpatupad ng “pass or fail” grading system para sa distance learning sa school year 2020-2021.

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio, napagpasyahan nila na panatilihin ang umiiral na numerical grading system matapos ang isinagawa nilang focused group discussion sa kanilang mga field office kaugnay sa nasabing paksa.

Binigyang-diin din ni San Antonio, mangangailangan pa ang mga guro ng oras para maaral ang sistema at magpatupad ng mga adjustments sa pag-assess sa kanilang mga mag-aaral.

“Kahit letter grades iyan or pass or fail, gagamit pa rin sila, mag-add pa rin iyan ng performance ng bata so gusto po natin maiwasan ‘yong mga dagdag na aaralin pa ng mga kasama natin guro,” wika ni San Antonio.

Maliban dito, mahihirapan din aniya ang mga estudyanteng magtatapos sa susunod na taon na makakuha ng scholarships dahil sa pangunahing basehan sa aplikasyon nila ang kanilang mga grado.

Samantala, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang paggamit ng non-numerical grading ay makakaapekto raw sa performance ng bansa sa Programme for International Student Assessment (PISA), na student assessment sa mga 15-anyos na mga estudyante mula sa 79 na mga bansa na isinasagawa ng Economic Co-operation and Development (OECD).

“What would be the impact for example to high performing students and schools? During the PISA examination, we are all excoriating and screaming at the top of our voices, why are we at the bottom of the barrel? We can’t ignore the fact that we have 20 schools whose PISA scores are higher than the rich countries… as a group,” ani Briones.

“Even as we want to make everything comfortable, safe and loving and great for our learners and teachers, we also want them to achieve the learning objectives which we have set for ourselves,” anang kalihim.

Sa resulta ng PISA 2018, pinakamababa sa 79 bansa ang nakuhang marka ng mga Pilipinong mag-aaral sa reading comprehension o pag-intindi sa binabasa.

Nakakuha lamang kasi ng 340 puntos ang mga mag-aaral mula sa Pilipinas na kung saan mas mababa ito sa average na 487 puntos.

Una rito, sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kadalasang sinusukat ang class performance sa pamamagitan ng mga reports, group presentations, at partisipasyon sa mga diskusyon sa klase, na hindi applicable sa distance learning.