-- Advertisements --

VIGAN CITY – Umaasa umano ang Commission on Elections (COMELEC) na aaprubahan na ng Kongreso ang paggamit ng mobile application para sa overseas voting.

Sa mensaheng ipinadala ni COMELEC spokesman James Jimenez sa Bombo Radyo Vigan, sinabi nito na malaking tulong ang nasabing mobile app lalo na sa panahong marami ang natatakot lumabas ng bahay partikular sa mga bansang may mataas na kaso ng Coronavirus Disease (COVID)-19.

Iginiit nito na kahit nasaan ang isang overseas voter, maaari itong makaboto gamit lamang kaniyang cellphone kung naka-install ang nabanggit na mobile app.

Sa Hunyo o Hulyo ay ite-test aniya nila ito sa San Francisco sa California para makita ang mga posibleng maging problema sa paggamit nito.

Hinihintay lang din aniya nila ang panahon ng tag-init dahil sinasabing hihina na ang COVID-19 kapag mainit ang panahon.

Maliban sa San Francisco, target din nila itong masubukan sa Amsterdam at Spain.