Pinagtibay ng Kamara at Senado ang bicameral conference report hinggil sa panukalang amiyenda para sa Public Service Act (PSA).
Sa plenary sessions sa dalawang kapulungan ng Kongreso, pinagtibay ang bicameral conference committee report sa Senate Bill No. 2094 at House Bil 78, na naglalayong amiyendahan ang 85-anyos nang PSA.
Layon ng panukalang batas na ito na mabigyan nang linaw ang kahulugan ng “public utility” at “public service” sa pamamagitan nang pagtukoy sa kung ano ang mga maituturing na public utilities.
Kabilang na rito ang distribution at transmission ng kuryente; petroleum at petroleum products pipeline systems; water pipeline distribution systems at wastewater pipeline systems, kabilang na ang sewerage pipeline systems; seaports; at public utility vehicles.
Nakasaad sa panukalang batas na ito na anumang industriya na hindi kabilang sa mga nabanggit ay maituturing na public services at sila ay ili-liberalized.
Matapos itong pagtibayin ng Kamara at Senado, ang panukalang amiyenda sa PSA ay iaakyat na sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, principal author ng panukalang batas, mas magiging maganda ang Foreign Direct Investments sa Pilipinas dahil sa pag-usad sa isinusulong niyang panukala kasabay nang pagkakaroon ng reporma sa Retail Trade Liberalization Act, at amiyenda sa Foreign Investment Acts.
Ang makasaysayang reporma aniya na ito ay maituturing pa ngang pinakamahalagang economic reform kasunod nang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE Law).
Para naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, ang pag-aapruba sa mga amiyenda sa PSA ay maituturing bilang pivotal moment para sa Pilipinas sa harap ng pinakamalalang pagbagsak ng ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang mga amiyendang nakapaloob sa panukala ay hindi lamang aniya makakatulong sa bansa na makabangon pero gagawin pa nito ang ekonomiya ng Pilipinas na mas malakas at resilient sa mga susunod pang taon.
Magiging bukas na kasi aniya ang mga public sectors na nabanggit sa panukala sa foreign investments at competition.
Kaya naman inaasahan na magiging mas mura na ang pamasahe sa eroplano at sa iba pang pampublikong transportasyon, mas mababang shipping costs, mas mabilis at murang internet services.