VIGAN CITY – Inaasahan na umano ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sanang isagawa sa susunod na taon.
Ito’y pagkatapos maaprubahan sa Kamara kahapon ang panukalang nagsusulong na maisagawa ito sa unang Lunes ng December 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni COMELEC spokesman James Jimenez na dahil inaasahan na nila ang pagpapaliban sa nasabing halalan, dahan-dahan na lamang ang kanilang paghahanda.
Aniya, pinag-iisipan na ng poll body na magbukas ng panibagong voter registration para sa mga botanteng hindi pa nakakapagparehistro para sa barangay at national elections.
Maliban pa rito, maaaring paghandaan na rin nila ang isasagawang 2022 national at local elections.
Kaugnay nito, umaapela ang tagapagsalita ng COMELEC na kung magbubukas sila ng panibagong voter registration ay agad nang magparehistro ang mga botante.
Nangangahulugan ito na huwag nang hintayin ang huling araw kung saan mahaba na ang pila at maaaring hindi na sila makapagparehistro pa.