Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman ng Republika ng Pilipinas, matapos ang pagtatapos ng termino ni Hon. Samuel R. Martires noong Hulyo.
Sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Remulla, isinulong ng Department of Justice ang mga pangunahing reporma upang gawing moderno ang sistema ng hustisya, mabawasan ang siksikan sa mga bilangguan, mapabilis ang pagresolba ng mga kaso, at mapalawak ang akses sa serbisyong legal.
Dahil sa mahabang serbisyo bilang mambabatas, gobernador, at abogado, nakuha niya ang malawak na respeto dahil sa kanyang integridad at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
Bilang bagong Ombudsman, inaasahan ni Pangulong Marcos na panatilihin ni Remulla ang transparency, palakasin ang mga hakbang laban sa korapsyon, at tiyakin na ang hustisya ay naipapatupad nang patas at mabilis.
Sisiguraduhin na walang sacred cows, walang eksepsyon, at walang palusot dahil ang public office ay isang public trust at ang mga magtaksil dito ay papanagutin.
Muling tiniyak ni Pangulong Marcos na ang transparency, katarungan, at pagsunod sa batas ang mananatiling gabay ng kanyang administrasyon sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas na tunay na nagsisilbi sa mga Pilipino.