Kinumpirma ni Belarusian President Alexander Lukashenko na kasalukuyang nasa kabisera ng Russia na St. Petersburg ang lider ng Wagner mercenary group na si Yevgeny Prigozhin.
Una ng namataan ang pagdating ni Prigozhin sa may Federal Security Service (FSB) office sa St Petersburg sa Russia noong araw ng Martes.
Kasama ni Prigozhin na dumating ang kaniyang security team sakay ng Land Cruiser.
Napag-alaman na bumalik si Prigozhin sa Russia para bawiin ang kaniyang mga sandamakmak na koleksiyon ng mga armas na una ng kinumpiska sa isinagawang raid o paghalughog sa kaniyang estate sa St. Petersburg noong Hunyo 24.
Una na kasing nakatanggap si Prigozhin ng pormal na imbitasyon mula sa security services ng Russia para sa pagbawi ng naturang mga armas.
Noong Martes, ibinalik ng mga ahente ng Federal Security Service ang dalawang aiga rifles, isang Austrian Mannlicher rifle at iba pang handguns at rifles. Karamihan sa mga ito ay Glock pistol na may nakaukit na pangalan ni Prigozhin.
Ito ay ibinigay bilang regalo noon kay Prigozhin mula kay Russian Defense Minister Sergei Shoigu na siyang nais na paghigantian ng Wagner chief.
Gayundin, ibinalik na rin kay Prigozhin ang mahigit $100 million cash at gold na sinamsam ng mga awtoridad ng Russia.
Matatandaan na na-exile si Prigozhin sa Belarus noong nakalipas na buwan matapos na maudlot ang pagtatangkang pag-abante ng kaniyang grupo sa Moscow para ipaghiganti ang umano’y pagkamatay ng kaniyang mga kasamahan sa kamay ng Russian military matapos na mamagitan ang Pangulo ng Belarus upang maiwasan ang lalo pang pagdanak ng dugo.