Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government na hindi isasapubliko ang mga pangalan ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na masasangkot sa ilegal na droga.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na paghahain ng courtesy resignation ng mga heneral at full pledged colonel ng Pambansang Pulisya bilang bahagi ng mas maigting na internal cleansing sa buong hanay nito.
Ayon kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., wala nang dahilan pa para malaman ng publiko ang pagkakakilanlan ng mga police official na mapapatunayang dawit sa ilegal na droga dahil sasailalim naman daw ito sa masinsinang pagsasala ng binuong Commitee of Five ng pamahalaan.
Taliwas sa una nang ipinahayag ni PNP chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na isasapubliko nila ang mga pangalan ng pulis na mapapatunayang sangkot sa mga ipinagbabawal na gamot.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo na mas mabuting hintayin na lamang ang magiging resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan ukol dito.
Aniya, iginagalang ng pulisya ang naging pahayag ni Abalos dahil nag-iingat lamang daw ito sa mga impormasyong kaniyang inilalabas lalo na’t hindi pa lumalabas sa ngayon ang findings sa nagpapatuloy na proseso ng internal cleansing sa buong hanay ng kapulisan.