Iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang masama at standard operating procedure (SOP) lamang ang naging pag-refer nito sa Bureau of Pardons and Parole (BPP) sa sulat ng anak ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na humihiling na magawaran ng executive clemency ang kanyang ama.
Sa pagdinig ng Senado kanina, nabanggit ang nasabing referal letter ni Sec. Panelo kay BPP executive director Reynaldo Bayang para magsagawa ng ebalwasyon at kaukulang aksyon.
Sinabi ni Sec. Panelo, normal lamang ang ginawa niyang pag-refer sa natanggap na liham sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan alinsunod na rin sa mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad aksyunan ang mga reklamo o kahilingan mula sa sino mang indibidwal.
Ayon kay Sec. Panelo, walang mali at walang intervention ang kanyang ginawa dahil ipinaubaya naman niya sa Bureau of Pardons and Parole ang pagdedesisyon sa bagay na ito.
Ang sulat ni Sec. Panelo ay sinagot naman ng BPP kung saan “denied” ang motion for reconsideration ng pamilya Sanchez.
Ipinadala naman daw ng tanggapan ni Sec. Panelo ang tugon ng BPP sa mga Sanchez at dito na natapos ang komunikasyon sa kanila.